Friday, August 29, 2014

Sayaw Galaw

Agosto 25, 2014 - Lunes


"Biiiii, tuloy tayo haa!"

       Ito ang text sakin ni Biiii noong gabi ng linggo. Hindi ko pa alam kung ano ang isasagot ko sa katanungan niyang iyon, marahil ay hanggang noon ay hindi ko pa rin talaga alam kung makakasama ba ako o hindi. Nagdadalawang isip ako na sumama dahil kami ay may nakatakdang pagsasanay sa aming organisasyon. Mahirap mamili lalo na kung parehong importante ang gagawin.

        Sa gabing ding iyon, tinext ko ang aking mga kasamahan sa grupo. Nagpaalam na ako na hindi ako makakarating kinabukasan sa aming pagsasanay dahil ako ay may pupuntahang iba at ako rin ay may aasikasuhin na may kinalaman sa aking pang-akademikong pagunlad. Matapos ang aming diskusyunan, nanalo ako. Dahil narin sa hindi lamang ako ang nagiisang nagpaalam na mawawala sa araw ng aming pagsasanay. Marami man silang gustong ituloy sa nasabing paghahanda , kami ay nanindigan talaga.

        Hindi na itinuloy ng aming direktor ang nasabing pagsasanay kaya't nagdiwang ang mga may gagawin. Tinext ko na agad ang aking mga kaklase at sinabi kong kami ay matutuloy sa aming sayaw. Ako ay natutuwa sa mga planong nagaantay sa amin kinabukasan. Marahil ito ay minsan na lamang ako lumabas sa mundong aking ginagalawan. Mahirap palagpasin ang ganitong klase ng pagkakataon. Hindi natin alam, baka ito na ang huling pagkakataong lumapit sa atin o kung hindi naman ay matagal bago ito maulit.

        Kinaumagahan, tanghali na ako gumising dahil gabi na rin ako natulog. Tumayo na ako at nagayos ng aking sarili. Naligo. Nagbihis. Nag-ayos. Nag-almusal. Habang ako ay nag-aayos, nagpapaalam na ako sa aking ina. Ako ay matinding nagdarasal na sana ako ay pahintulutan sa aming gagawin. Hindi naman ako binigo ng Maykapal, dahil pumayag na ang aming haligi sa tahanan.

        Pumunta ako sa bahay ni Jane para sunduin siya. Paglabas namin sa kanilang bahay ay sasakay sana kami ng tricycle ngunit may nakaabang na palang multicab. Mas mura kasi ang pamasahe sa Multicab kumpara sa tricycle. Pagkasakay namin ni Jane ay nagantay pa kami ng kaunti dahil pinupuno pa ang
nasabing sasakyan. Nang medyo mapupuno na ay
Qumandar narin ito. Sa aming biyahe, masasabi kong isang normal na araw lang iyon sa lahat. Inilabas ko ang aking cellphone at earphone at sinimulang patugtugin ito habang nakatingin ako sa labas. Nakarating kami ng bayan ng Trece ng matiwasay. Pagkababa namin, naghanap na agad kami ng masasakyan papuntang SM PalaPala. May nakita kaming Jeep na may karatulang SM, pinuntahan namin yun at tinanong kung papunta ba itong SM Pala Pala ngunit ito pala ay papuntang SM Rosario. Muli kaming naghanap ng masasakyan ng may ngiti dahil ramdam namin na kami ay napahiya. Hanggang sa nakakita kami ng masasakyan. Umupo kami ni Jane sa tabi ng nagmamaneho ng sasakyan. Maganda ang aming pwesto sa harapan ng jeep dahil mahangin at kitang-kita ang aming tinatahak na daanan. Naging matagal ang aming paglalakbay dahil malayo rin ang aming destinasyon.

        Nang makarating kami sa SM PalaPala dumiretso kami sa Mang Inasal. Hindi kami kakain ngunit doon inakala naming naghihintay din ang mga kaklase na kasama namin. Dahil nga akala lamang iyon, nagkamali kami dahil kami ang nauna doon. Minabuti na naming pumunta sa Quatum upang makapagmasid kami sa mga sayaw at upang malaman narin namin kung ano ang aming gagawin sa larong ito. Medyo matagal kaming nagmasid at sdoon namin nalaman na kahit sino pala ay makakapagsayaw. Ang akala kasi namin, kailangan pa naming gumawa ng account para lang makasayaw kami ngunit hindi na pala. Habang nanunuod kami sa mga naunang nagsasayaw, nakaramdam ako ng kaunting kaba dahil ang kanilang sinasayaw ay may mahihirap na steps. Mabilis at napakakumplikado ng mga galaw. Sa kabila noon, madali lang sa mga manananayaw na sundan ang mga galaw tila kabisado na nila ang mga ito. Dito na lumabas ang aming pagtataka. Sila ba ay dito na naninirahan at halos lahat ng kanta sa loob ng XBox Kinect ay kabisado nilang sayawin. Kami ay natakot dahil baka kami ay mapahiya nalang. Hanggang sa nagkaroon na kami ng lakas ng loob na magtanong. Sinabi ng babae na may mga  level pala iyon ng hirap. Simula Beginner, Easy, Medium at hanggang Hard na mismong sinasayaw nila.

        Maya-maya pa ay dumating na si Mimay. Bumili na kami ni Jane ng tokens para maumpisahan na namin ang aming misyon sa lugar na iyon. Pagkabili namin ng tokens ay binalikan namin si Biii (Mimy) na kasalukuyang nanunuod ng mga nagsasayaw. Hanggang sa dumating ang isa pa naming kasama, si Liz. Matagal-tagal din kaming nanuod ng kanilang mga pinaggagawa. Hanggang sa nakakita kami ng pagkakataong makasingit at makasayaw. Dalawahan ang magsasayaw kaya magkasama kami ni Liz samantalang magkasama naman sina Mimay at Jane. Nagsayaw kami ng nagsayaw kahit na maraming mga taong nakatingin sa amin at pinapanuod pa kami. Noong una ay nakakahiya talaga ngunit nang maisip kong walang nanunuod sa amin, tinuloy ko nalang ang aking galaw at hinayaan ko na mismo ang aking katawan ang magsaya.

       Sobrang sarap sa pakiramdam ang makasayaw ng ganoon lalo na dahil minsan ko lamang magawa iyon. Isa akong mananayaw sa aming organisasyon. Ngunit parang hindi ako marunong sumayaw sa oras na iyon. Marahil iba kasi ang genre ng aking sinasayaw at iba rin ang aking mga kasama.

        Sa araw na iyon ko lang naramdaman ang pagiging isang AB Journalism student ko. Sa pagtatanong, sa pagiging masigasig na nagmamatyag at sa pagiging sentro sa mga mata ng madla. Sa una ay nakakakaba ngunit kapag ikaw ay nakaramdam na ng saya sa iyong ginagawa, lahat ng kaba ay mapapalitan ng pagmamahal. Ipagpapatuloy mo ang iyong ginagawa dahil mahal mo ito, dahil masaya ka rito. Maaring dumating ang oras na mapapagod ka o mawawalan ka ng gana ngunit ipapaalala sayo ng iyong puso kung bakit mo ginagawa ito at kung ano ang dahilan kung bakit mo ito ginagawa. Muli kang magiinit sa pagmamahal sa iyong ginagawa at muli kang gaganahang ipagpatuloy ang nasimulan mo. Sa harap man ng maraming tao o kahit sa harap ng isang salamin, sarili mo lang ang makakalaban mo. Kung may kaba o takot sa iyong puso, tanungin mo ang sarili mo kung bakit. Bakit ka takot at bakit ka kinakabahan? Malalaman mo mismo sa sarili mo kung paano ito lalabanan at paano mo ito matatalo. Ikaw mismo ang makakasagot sa sarili mong mga tanong.

Ito ang aking natutunan sa loob lamang ng kalahating araw...

"Umindak ng umindak sa sayaw ng buhay, gumalaw ayon sa iyong kagustuhan at mahalin ang kantang inaawit ng iyong puso."



Wednesday, August 27, 2014

Ang Alarm Tone ni Hija :D

 WEIRD ANG MGA PANAGINIP


"Pagkatapos ng Bangungot"

August 23, 2014 - Sabado
Oras ng pagsulat: 6:37 AM


Nakabibingi. Literal na nakabibingi.
Madilim na sa kwarto ko at maingay. Malakas ang ugong ng kung ano mang bagay na hindi ko tiyak kung ano nga. Nakabibingi. Tumingin ako sa paligid ko pero wala akong makita kundi ang dilim na bumabalot dito. Habang tumatagal. lumalakas ang ugong ng bagay na iyon. Pabigat na ng pabigat ang aking pakiramdam, para akong hinihila pababa pero ako naman ay nakahiga na. Sumigaw ako ng tulong, ngunit walang lumalabas na boses sa aking bibig. Hanggang sa napagtanto ko, ABA, TEKA! Alam kong panaginip lang ito. Huminga ako ng malalim at maya-maya pa ay nagising na ako. Alam kong gising na ako noon dahil maliwanag na ang paligid ng aking kwarto. Pawis na pawis ako noon. Buti isa lang iyong panaginip. Kinuha ko ang aking cellphone, at tiningnan ko kung anong oras na. 2:13 AM. Muli akong natulog at muli na naman akong nanaginip. Isang magandang panaginip kung tutuusin. Ako ay nakasuot ng magandang uniporme at pumasok sa dati kong eskwelahan sa aming probinsya. Lahat ng aking mga kaklase ay nakatingin sa akin. Noong mag-uumpisa na ang aming klase ... "ganda gumising ka na!" HAHAHA, tumutunog na aking alarm clock at ang nirecord kong alarml tone, nakakatuwa.

"Tinapay ni Tatay"

August 24, 2014 - Linggo
Oras ng pagsulat: 7:26 AM


Siguro ako ay gutom ng mapanaginipan ko ito.
Ako ay nakatayo sa harap ng isang tricycle. Hindi gumagalaw ang tricycle, malamang. Biglang sumulpot sa driver's seat ang tito ko. Pinasakay niya ako dahil pupunta raw kami sa bahay ng kaklase ko, si Mimay. Nagulat ako, kasi hindi pa naman niya nakikita si Mimay ngunit alam na niya kung saan ito nakatira. Maya-maya ay nakita namin ang mga dati kong kaklase at pinasakay din sila ng tito ko sa tricycle namin. Nagulat ako dahil ang bilis naming nakarating sa  bahay nina Mimay. Parang nasa kabilang barangay lang ang kanilang bahay, ngunit ang  bahay naman talaga nila ay malayo pa mula sa bahay namin. Lubos ko pang ipinagtataka dahil kilala ng mga dati kong kaklase si Mimay ngunit hindi pa naman sila nagkakakilala. Maya-maya pa ay umalis na ako sa bahay nila at naglakad ako pauwi ng bahay namin na ngayon ay katabi na ng bahay nina Mimay. Umupo ako sa harap ng gate namin at inabutan ako ng Tatay ni Mimay ng tinapay. Ang paborito kong tinapay. Tapos umalis na siya.  Naubos ko ang tinapay at naghanap ako ng bakery para bumili pa ng tinapay. Marami akong nakikitang tinapay ngunit wala ang tinapay na gusto ko. Gusto ko talagang kumain ng tinapay na iyon. Lumabas ako ng CvSU- Mall at hinanap ang Tatay ni Mimay. Ang akala ko ay tinatawag na ako ng Tatay ni Mimay, pero alarm clock ko lang pala ulit yun. "ganda gumising ka na!"


 "Isa akong seafood at ako'y hero"

August 25, 2014 - Lunes
Oras ng pagsulat: 3:43 AM


Masaya ako noong mapanaginipan ko ito.
Nasa dagat kami noon. Bakasyon iyon at marming tao sa pampang. Naligo na ako sa maalat na dagat, pero ang totoo amoy chlorine ang tubig dito. Pumunta ako sa gitna ng dagat at marami akong kasama. Dumating pa ang aming kaibigang pating at sa isang iglap lahat kami ay naging lamang dagat. May kaibigan akong sugpo, igat, pating, isda, alimango, pagong at ako ay isang pusit. Naglalaro kami ng habol-habulan sa dagat at laging taya ang kaibigan kong sugpo. Gusto kong maging taya sa larong iyon ngunit ayaw naman ng mga kalaro ko, hanggang sa napilitan silang gawin akong taya dahil kung hindi magbubuga ako ng itim na tinta. Sa paglalaro naming iyon, hindi namin namalayang may mga tao na palang nakakakita sa amin. Binabato nila kami ng kung ano-anong pampasabog at may mga kaibigan akong muntik ng tamaan. Isang bomba ang ibinato sa parte kung saan kami naroon, mabilis ko silang pinuluputan at lumobo na parang isang puffer fish at naglabas ng itim na tinta. Biglang naiba ang anyo ko at naging si "Storm" ng X-Men. Lumipad ako gamit ang kapangyarihan ko, at nagpadala ako sa kanila ng isang malaking buhawi. Tumulong narin ang iba ko pang mga kakampi. Sina Wolverine, Proffesor X, Jean Grey at Cyclops laban kila Magneto at Mystique. Tapos ... Tapos na , nagalarm na naman ang aking mahiwagang alarm tone. "ganda gumising ka na!"
"ganda gumising ka na!" "ganda gumising ka na!" "ganda gumising ka na!"