WEIRD ANG MGA PANAGINIP
"Pagkatapos ng Bangungot"
August 23, 2014 - Sabado
Oras ng pagsulat: 6:37 AM
Nakabibingi. Literal na nakabibingi.
Madilim na sa kwarto ko at maingay. Malakas ang ugong ng kung ano mang bagay na hindi ko tiyak kung ano nga. Nakabibingi. Tumingin ako sa paligid ko pero wala akong makita kundi ang dilim na bumabalot dito. Habang tumatagal. lumalakas ang ugong ng bagay na iyon. Pabigat na ng pabigat ang aking pakiramdam, para akong hinihila pababa pero ako naman ay nakahiga na. Sumigaw ako ng tulong, ngunit walang lumalabas na boses sa aking bibig. Hanggang sa napagtanto ko, ABA, TEKA! Alam kong panaginip lang ito. Huminga ako ng malalim at maya-maya pa ay nagising na ako. Alam kong gising na ako noon dahil maliwanag na ang paligid ng aking kwarto. Pawis na pawis ako noon. Buti isa lang iyong panaginip. Kinuha ko ang aking cellphone, at tiningnan ko kung anong oras na. 2:13 AM. Muli akong natulog at muli na naman akong nanaginip. Isang magandang panaginip kung tutuusin. Ako ay nakasuot ng magandang uniporme at pumasok sa dati kong eskwelahan sa aming probinsya. Lahat ng aking mga kaklase ay nakatingin sa akin. Noong mag-uumpisa na ang aming klase ... "ganda gumising ka na!" HAHAHA, tumutunog na aking alarm clock at ang nirecord kong alarml tone, nakakatuwa.
"Tinapay ni Tatay"
August 24, 2014 - Linggo
Oras ng pagsulat: 7:26 AM
Siguro ako ay gutom ng mapanaginipan ko ito.
Ako ay nakatayo sa harap ng isang tricycle. Hindi gumagalaw ang tricycle, malamang. Biglang sumulpot sa driver's seat ang tito ko. Pinasakay niya ako dahil pupunta raw kami sa bahay ng kaklase ko, si Mimay. Nagulat ako, kasi hindi pa naman niya nakikita si Mimay ngunit alam na niya kung saan ito nakatira. Maya-maya ay nakita namin ang mga dati kong kaklase at pinasakay din sila ng tito ko sa tricycle namin. Nagulat ako dahil ang bilis naming nakarating sa bahay nina Mimay. Parang nasa kabilang barangay lang ang kanilang bahay, ngunit ang bahay naman talaga nila ay malayo pa mula sa bahay namin. Lubos ko pang ipinagtataka dahil kilala ng mga dati kong kaklase si Mimay ngunit hindi pa naman sila nagkakakilala. Maya-maya pa ay umalis na ako sa bahay nila at naglakad ako pauwi ng bahay namin na ngayon ay katabi na ng bahay nina Mimay. Umupo ako sa harap ng gate namin at inabutan ako ng Tatay ni Mimay ng tinapay. Ang paborito kong tinapay. Tapos umalis na siya. Naubos ko ang tinapay at naghanap ako ng bakery para bumili pa ng tinapay. Marami akong nakikitang tinapay ngunit wala ang tinapay na gusto ko. Gusto ko talagang kumain ng tinapay na iyon. Lumabas ako ng CvSU- Mall at hinanap ang Tatay ni Mimay. Ang akala ko ay tinatawag na ako ng Tatay ni Mimay, pero alarm clock ko lang pala ulit yun. "ganda gumising ka na!"
"Isa akong seafood at ako'y hero"
August 25, 2014 - Lunes
Oras ng pagsulat: 3:43 AM
Masaya ako noong mapanaginipan ko ito.
Nasa dagat kami noon. Bakasyon iyon at marming tao sa pampang. Naligo na ako sa maalat na dagat, pero ang totoo amoy chlorine ang tubig dito. Pumunta ako sa gitna ng dagat at marami akong kasama. Dumating pa ang aming kaibigang pating at sa isang iglap lahat kami ay naging lamang dagat. May kaibigan akong sugpo, igat, pating, isda, alimango, pagong at ako ay isang pusit. Naglalaro kami ng habol-habulan sa dagat at laging taya ang kaibigan kong sugpo. Gusto kong maging taya sa larong iyon ngunit ayaw naman ng mga kalaro ko, hanggang sa napilitan silang gawin akong taya dahil kung hindi magbubuga ako ng itim na tinta. Sa paglalaro naming iyon, hindi namin namalayang may mga tao na palang nakakakita sa amin. Binabato nila kami ng kung ano-anong pampasabog at may mga kaibigan akong muntik ng tamaan. Isang bomba ang ibinato sa parte kung saan kami naroon, mabilis ko silang pinuluputan at lumobo na parang isang puffer fish at naglabas ng itim na tinta. Biglang naiba ang anyo ko at naging si "Storm" ng X-Men. Lumipad ako gamit ang kapangyarihan ko, at nagpadala ako sa kanila ng isang malaking buhawi. Tumulong narin ang iba ko pang mga kakampi. Sina Wolverine, Proffesor X, Jean Grey at Cyclops laban kila Magneto at Mystique. Tapos ... Tapos na , nagalarm na naman ang aking mahiwagang alarm tone. "ganda gumising ka na!"
"ganda gumising ka na!" "ganda gumising ka na!" "ganda gumising ka na!"
No comments:
Post a Comment