Friday, October 4, 2013

Anong tawag sa uod na nasa gitna ng kalsada?

by: Criselle Mae Lambo


Anong tawag sa uod na nasa gitna ng kalsada?

Edi, NAGTATAPANG-TAPANGAN!

    Parang mga Pilipinong nasa gitna ng kahirapan. Matagal bago umusad, delikado ang pamumuhay, at may mga kababayang nakaharang sa pag-unlad ng bansa. Mga mamamayang pilit na gumagapang para labanan ang gutom at lungkot sa ating bayan. Mga taong kahit sumigaw ng pagkalakas-lakas ay walang makakarinig ng kanilang mga hinaing. Bakit? Dahil ba tamad ang mga Pilipino? Dahil bulag sa katotohanan ang karamihan sa ating mga kababayan? At kahit harap-harapan nang ninanakawan ang ating kaban ay ayos lang? O baka naman matagal nang pagod ang mga kababayan natin na ipaglaban ang karapatan at katarungan? Dahil kahit na anong gawin natin ay magbibingi-bingihan lang ang mga taong nakaupo sa pwesto.

   Mga lider  kung ituring ang mga taong ito, na kung hindi dahil sa boto ng bawat mamamayang Pilipino ay hindi nila mararating ang kinalalagyan nila ngayon. Siguro, alam din naman nilang kung hindi dahil sa pera ng mga taong dapat nilang pinaglilingkuran ay hindi nila mararanasan ang karangyaang tinatamasa nila sa ngayon.
Sabi nga ng mga matatanda, lahat ng ating ginagawa ay may kaakibat na responsibilidad. Pero ano nga ba ang kahulugan ng salitang responsibilidad para sa kanila? Ito ba ay ang tungkuling nakaatang sa kanilang mga balikat bilang opisyales ng bayan? o ito ba ang serbisyo publikong kailanman ay hindi natin lubusang napansin?

   Alam marahil ng iba sa atin ang tunay na nangyayari sa ating paligid, ngunit paano naman ang iba nating mga kababayang tunay na biktima ng kahirapan? Masakit mang isipin, ngunit ito ang totoong nangyayari sa ating bansa. Na kung hindi pa mapapansin ng isang tao ang nakawang nangyayari ay hindi rin malalaman ng sambayanang Pilipino at hindi kikilos upang masolusyonan ng ating pinuno. Tayo mismo ang bumuboto ng ating mga opisyal at tayo mismo ang nagpapaloko sa kanila, kaya siguro may mali rin sa ating sistema. Sistemang kung sinong may iaabot na barya, ay siya na ang iluluklok sa posisyon.

  Sa kabilang banda, hindi parin nawawalan ng tiwala ang marami sa atin na darating ang bukas na magigising ang mga Pilipino at mamumulat tayo sa tunay na kalagayan ng ating inang bayan. At sa araw na iyon, hindi na tayo tulad ng uod na nakikipagsapalaran sa agos ng buhay, dahil tayo na mismo ang magmamaneho ng sarili nating mga kapalaran sa gitna ng tuwid na kalsada. Tayo na mismo ang pinaglilingkuran ng mga inihalal natin at ang kaban natin ay mapupunta na sa pagpapaunlad ng bansa. Kapag nangyari ito, marahil ay wala nang Pilipinong gutom at walang permanenteng tirahan. Wala nang Pilipinong kumakapit sa patalim at wala nang mga Pilipinong magnanakaw para lang sa ikabubuhay ng pamilya. At higit sa lahat wala nang Pilipinong maiipit sa gitna ng kahirapan.

No comments:

Post a Comment