Saturday, September 20, 2014

Kandila, liwanag ng buhay.


"Para po sa ikauunlad ng Pamilya niyo. Bumili na kayo ng kandila ko."

     Ilang beses kong isinigaw ngunit tingin lang ang ipupukol sa akin. Ilang beses kong nilunok ang aking pride pero ang bilis lang nilang tumanggi sa aking alok. Ilang oras akong babad sa ilalim ng araw ngunit wala silang pakialam, minsan pa nga ay tatawanan pa.

     Nagbalak kaming dayain ang video na aming ipapasa ngunit narinig ko ang sinabi ng isang ale na tumatak talaga sa aking puso.

"Wag kayong mandaya, hindi niyo malalaman kung ano ang hirap namin kung hindi niyo gagawin."

     Nakaramdam ako ng awa sa kanila, hindi ko alam pero parang nahiya ako sa sarili ko. Hindi kailangang maipasa lang ang video kailangang may maisulat din kami sa aming nagging pagtitinda pero anong isusulat ko kung mandadaya lang ako?

"Sorry po ate, pwede pong makahiram ng limang kandila para maibenta ko po?"

     Nagkaroon ako ng lakas ng loob na ibenta ang mga kandila na ipinahiram sa akin ng ale. Kahit sobrang init, itinuloy ko na ang aking misyon. Itinuloy ko na ang pagtitinda ng kandila.

     Sa una, naisip kong parang imposible akong makabenta ng kandila kahit isang piraso lang. Pero noong makita ko ang isang bata na kasama rin nila na hindi nagrereklamo kahit gaano kainit ang araw at kahit ano pa ang tingin sa kaniya ng ibang tao habang nagtitinda siya, nabuhayan ako at nagkaroon ako ng lakas ng loob para ubusin ang paninda ko.

"Ate, Kuya, bili na po kayo ng kandila. Para po sa ikauunlad ng pamilya niyo."

     Ilang beses ko itong isinigaw pero walang pumapansin sa akin. Hanggang sa may pumasok na tatlong babae sa simbahan at nang inalok ko ay nagdadalawang isip pa silang bumili, iyon ang naging signal ko para kumbinsihin pa sila. At dahil may kasamang kwela ang aking pagtitinda kaya bumili sila ng kandila. Nang makabenta ako ng isang pirasong kandila, lumingon ako sa ale na kausap ko kanina. Nakita ko siyang nakangiti sa akin at nag-thumbs up pa talaga sa akin. Dahil doon, sumigla ako sa aking pagtitinda at lahat ng nakikita ko ay inaalukan ko ng kandila.

"Ate, Kuya, bili na po kayo ng kandila, o di kaya, ipagtitirik ko nalang po kayo"

     Dahil siguro sa aking marketing strategy kaya naubus ko ang tinda kong kandila. NAUBOS KO ANG PANINDA kong kandila. Iba pala ang saya kapag nakakaubos ka ng paninda. Nang balikan ko ang ale na kausap ko at nagpahiram sa akin ng kandila, tuwang-tuwa siya dahil hindi na niya kailangang bumilad sa araw para makapagbenta ng limang kandila. Laking pasasalamat niya sa akin nang ibigay ko sa kaniya ang aking kinita.

     Ngayon ko lang naranasan ang pagtitinda ng kandila, Ngayon ko lang din nalaman kung gaano kahirap ang trabahong araw-araw nilang ginagawa. Ngayon ko lang naintindihan ang naramdaman ng mga tindero at tindera na binabalewala ko lang noon. Mahirap ang tarabaho nila, maaalipusta ka, kung ano-anong klase ng tingin ang ibabato sayo ng mga tao, magtitiis sa sobrang init, pagti-tripan pa ng mga lalaking dumadaan. tatawanan ng mga kabataan, baba ang tingin sa sarili,at higit sa lahat lulunukin lahat ng Pride.


     Kung tatanungin niyo ako, kung uulitin ko pa ito sa kabila ng mga negatibong sitwasyong naranasan ko? Ang sagot ko, oo. Gagawin ko ulit. Walang pera ang makakatumbas sa pagtulong mo sa kapwa mo. Walang pera ang makakatumbas na paghihirap nila, mabuhay lamang. Hanga ako sa kanila. Saludo ako sa kanila. Ang kandila nilang paninda ay isa talagang liwanag para sa kaniya-kaniyang buhay.


https://www.youtube.com/watch?v=CX7cNUSGX5M
(Ito ang katibayan xD)


No comments:

Post a Comment